ABANGAN ANG PAGLABAS NG AKLAT NA ITO
‘Nang pasimulay nilikha ng Diyos[1] ang Langit at Lupa’, katagang makikita sa unang kabanata ng aklat na bibliya. Binigyang halaga ng Diyos ang tao at itinaas ang antas nito kumpara sa iba pa niyang mga nilikha, (mga maligno[2], anghel, hayop, atbp.) At nilikha Niya ang tao ayon sa kanyang wangis at ginawa na ang mga ito bilang tagapamahala sa lahat ng Kaniyang nilikha dito sa mundo.
Sa kabilang banda, sa isang sulyap mata’y, mababanaag sa mga mata ng bawat tao ang kapanabikang marating ang minimithing pangako ng Diyos na Tagapaglikha, ang biyayang nais tamasahin ay pagpupunyagian nang may marubdob na pagsamba, sapagkat ito ang hinihiling kapalit ng Diyos upang marating ang Paraisong Kaniyang ipinangako sa bawat isa sa mga alipin na sumusunod sa Kaniyang mga itinagubilin sa mga taong pinili (mga sugo at propeta) upang ipakilala at sambahin ang Nag-iisang Diyos.
Marahil hindi kataka-taka na binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang pumili sa mga gawang ninanais natin sa ating sarili, ito man ay tama o mali, ito ay ayon sa ating pansariling kagustuhan na makasisiya sa atin, sapagkat tayo ay Kaniyang nilikha ng walang kasapatan at kakotentohan kung kaya, tayo ay palagiang humihingi ng tulong at dumadalangin sa Kaniya na bigyan tayo ng Awa at Habag. Papaano kung ang paraan ng ating pagtawag sa Kaniya, ang paghingi ng biyaya, awa at habag ay hindi na aayon kung papaano Niya ninanais na Siya ay alayan ng ganitong uri ng pagsamba? Kaya naman, siya ay nagsugo, nagpadala ng mga taong aagapay sa mga tao na may kakulangan sa pang-unawa hinggil sa katangian ng Diyos na Tagapaglikha, sa bawat nasyon, sa bawat pulo, sa bawat lipi, ang ubod daming sugo at propeta ay Kaniyang hinirang, kaisa sa Kaniyang layunin na ipabatid sa mga tao ang Kaniyang Kakanyahan, Kadakilaan, aluwalhatian at namumukod tangi na naggagawad ng habag at biyaya sa bawat isa na handang sumunod, sumuko at tumalima sa alin mang batas na Kaniyang ibinaba at ninais ipatupad. Ang batas na ito, ay masisilayan sa mga aklat na Kaniyang ibinaba, kabilang dito ang Kalatas ni Abraham (alayhe salam), ang Psalmo ni David (alayhe salam), ang Torah ni Moises (alayhe salam), ang Injeel ni Jesus (alayhe salam), ang lahat ng ito ay pawang nagtataglay ng matinding pag-uutos hinggil sa pagsamba sa Kaniyang Kaisahan. Oo nga’t ito ay naibaba sa pamamagitan ng mga rebelasyon, subalit ang apat na kapahayagang ito ay ginawang sirain at baguhin ang mga nilalaman nito ng mga taong nilayon ay ang pansariling kagustuhang sila ay purihin ng mga tao sa kinabibilangan nilang pamayanan. Kaya naman, dahil sa Kanyang awa at habag ibinababa Niya ang huling Tipan mula sa langit sa pamamagitan ni Anghel Gabriel (alayhe salam), at nangakong hindi na Niya hahayaang sirain pa ito ng mga tao at Ito’y Kaniyang babantayan na manatili ang kadalisayan ng huling aklat na ito, at ito ang Qur’an, ibinaba Niya sa kahuli-hulihang sugo na si Muhammad (sallallahu alyhe wa salam).
Mabilis ang pag-usad ng panahon at marami ng makabagong teknolohiya ang nagsulputan at mga naglalakihang gusali na matatag na naitayo, kasabay ng mga ito ang pagyabong ng kaalaman ng tao at pagdami ng mga tila kaboteng umusbong na relihiyong itinatag ng mga taong naniniwalang ito ang mas mainam para sa kanilang sambayanan, bunsod ng malayang pakikipagtalakayan ng bawat isa hinggil sa kung ano ang tama para sa ikabubuti ng bawat isa sa kanila, subalit tila ang kautusan ng mga sugo at propeta ay hindi man lamang nasaling upang gawing pamantayan sa pagtatatag ng relihiyong ninais ng kanilang mga sarili. Kaya naman, nakakalitong isipin kung alin sa mga relihiyong ito ang nagtuturo ng tamang pagsamba sa Diyos at nakaamba ang panganib sa bawat kaluluwa at ang kaligtasan sa Apoy ng Impiyerno ay tila ba sinusuhayan pa nang mas matinding panganib na humantong ang mga ito sa tuluyang pagkawasak ng kanilang mga sarili at kaluluwa sa Kabilang Buhay.
Kaya naman minabuti kong salingin muli ang natutulog ninyong diwa sa munting pagpupunyaging ito upang ang mga lathalain na aking naumpisahan kabilang dito ang aklat na ‘Jesus…sino ka nga ba?’, ‘Isang Sulyap sa buhay ni Jesus – batay sa Bibliya’, ‘Ang Diyos mo at ang diyos ko ay iisa’ ay magkaroon ng katuwang na maiparating sa inyo ang tunay na katayuan ni Jesus (alayhe salam) na ayon narin sa mga nakararaming Kristiyano na ang Diyos ay si Jesus at si Jesus ay ang Diyos (Diyos na Tagapaglikha) na nagsakawang tao sa pamamagitan ng bugtong na anak na si Jesus. Subalit nakakalitong isipin, sa may matinong pag-bibigay pansin, ang Diyos na Tagapaglikha ay naging si Jesus, na si Jesus na siya ring Diyos na Tagapaglikha ay bugtong na anak ng Diyos.
Kung kaya naman, minabuti kong balikan ang mga aklat na aking naisulat kung ano ang kulang na sangkap sa mga ito at aking napiho at talakayin ang hinggil sa paghuhubad ng Diyos sa Kanyang pagka-Diyos. Ito ang laging bukang bibig ng mga taong aking nakakadaupang palad sa tuwing magpapahayag ako ng salita ng Diyos at ipakilala ang Kaniyang Kaisahan, na walang ibang dapat sambahin maliban sa Kanya. Samahan po ninyo ako sa kaunting oras na pagbabasa, at alamin kung hinubad nga ba ng Diyos ang Kaniyang pagka-Diyos? Aking hinalaw ang mga datos sa mga pinaniniwalaang salita ng Diyos – ang Bibliya at aking sinusugan ng mga talatang nagbuhat sa Huling Tipan – ang Qur’an. Naway magbigay linaw sa inyong isipan ang inyong matutunghayan sa aklat na ito na pinamagatang.
“At hinubad Niya ang Kaniyang Pagka-Diyos."
MGA PILING HALAW MULA SA PAHINA NG AKLAT NA ITO.
ANG DIYOS AY NAGING ISANG TAO
Ang paniniwala ng mga Kristiyano hinggil sa pagka-diyos ng Tagapaglikha ay batay sa paniniwala ng sinaunang taong Griyego (ancient Greek). Ang isa sa mga matibay na pinanghahawakan at saligan ng mga ito ay ang Diyos na nagsakatawang tao na matatagpuan sa Bibliya, sa Juan 1:1.
“Nang pasimula ay naroon na ang salita (logos); ang salita ay kasama ng Diyos, at ang salita ay Diyos.”
At ang may akda ng aklat ni Juan ay ipinagpatuloy ang salaysay ng ganito;
“At ang salita ay naging tao at nanirahan sa piling nito. Nakita nito ang tunay na kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.” (Juan 1:14)
Dapat nating mabatid na ang bibliya ay original na naisulat sa salitang (Greek) Griyego at ang ginamit na salita na ‘logos’ (word) ay isinalin sa salitang English na ‘word’, subalit, walang akmang salita patungkol dito na matatagpuan sa diksyonaryong Ingles. Ang katotohanang ito ay nakasalalay sa paggamit ng mga teknolohikang termino o salita sa diksyonarong Griyego na ang pang-unawang ito ay nasilayan noong pang unang panahon, panahong ika-anim na siglo (B.C) hanggang ika-3 siglo (C.E) at ito ay isang haka-haka lamang ng mga Hudyo at mga Kristiyano na nagpapahayag ng mga salita. Unang sumilay ito sa panahon ng Heraclites (480-540 B.C) bilang isang pangunahing motibasyon sa mga tao, subalit, sa panahon ni Aristotel, ginawang susugan ang walang kuwentang lakas na salitang ‘nous’ at ginawang isang popular na salita. Ang salitang ‘logos’ ay muling sumulpot sa panahon ng mga Stoico na nagbigay pahayag at gawaing ganap sa Teolohikong Prinsipyo ang salitang ‘logos’ ay kumakatawan sa salitang (God) Diyos’ at ito ay iisa. Si Philo (d. 50 C.E) na isang pilosopo at Alexandrianong Hudyo, ay kinilala at itinuro ang salitang ‘logos’ sa Lumang Tipan na kung saan ibinatay niya ito sa konsepto ng mga Stoico. Kaya naman, ang salitang ‘logos’ ay naging popular at palagian nang ginagamit na salita bilang pagpapatunay sa kalikasan ng Diyos. Subalit ang salitang ‘logos’ ay may taglay na kaligtasang gamit; ito ang daan upang makamtan ang pinakamataas na antas ng pang-ispiritual na buhay.
ANG TAO AY NAGING DIYOS
Ang tao ba ay maaaring maging Diyos? Ang katanungang ito ang nagtulak sa akin ng may marubdob na pagnanasang masagot ang matagal ng katanungan na wala isa man sa mga nakadaupang palad ko ang nagbigay ng matibay na kasagutan upang kagatin ng aking mga ngipin at paghawakan bilang isang pananampalataya na ang Diyos nga ay nag-sakatawang tao.
Upang mapag-aralan kong mabuti ang kinagisnan kong relihiyon, bago pa man, nagbasa na ako ng mga aklat patungkol sa mga relihiyong Hinduismo, Buddhismo, dito’y umaasa na ito ang magbibigay sa naghahanap kong isipan na magbigyang katugunan ang mga katanungan na pilit kong hinahanapan ng wastong kasagutan. Subalit nabigo ako, hungkag at hindi kayang tanggapin ng puso ko’t isipan ang lahat nang aking nasumpungan. Pansamatala, hinubad ko ang pagiging isang Kristiyano at pikit mata kong yinakap ang relihiyong Islam na sa pakiwari ko ba’y ito na ang huling barahang aking pipintahan.
Bilang isang Kristiyano ang buhay ay umiinog sa paniniwala, pagkilala at pagsasabing ang Diyos ay nagsakatawang Tao. Ang paniniwalang ito ang susi upang maligtas ang kaluluwa at marating ang minimithing Paraiso.
Ayon sa paniniwalang Kristiyanismo, dapat mong paniwalaan na ang Diyos ay nagsakatawang Tao, sa pamamagitan ni Jesus ang kaluluwa’y ligtas sa kaparusahan sa Impiyerno, ito ba ang katotohanan, o haka-haka lamang?
ANG DIYOS NGA BA AY NAGING TAO?
Kung ang katanungan na ito ay iyong ipupukol sa mga panitikong Kristiyano (ginamit ko ang salitang panatiko sapagkat sarado ang kanilang isipan na umunawa at tumanggap ng ano mang paliwanag higgil sa katangian ng Tunay na Diyos) ang kanilang sagot ay: “Oo!” Sa makatuwirang katugunan, ang kasagutan ay HINDI., sapagkat ang konsepto ng Diyos na siya ay magiging tao ay sumasalungat sa basikong kahulugan ng salitang “DIYOS”. Sinasabi ng mga tao na “God is able to do all things; kung ano ang naisin Niyang gawin, ay magagawa Niya.
MALAPIT NA MALAPIT NA....ABANGAN
[1] Diyos: Ginamit ko ang salitang Diyos sa malaking titik, tumutukoy ito sa Nag-Iisang Diyos na Tagapaglikha – ang Makapangyarihan, Siya ang lumikha ng Langit at Lupa, kina Adan at Eba at sa lahat ng mga nakalantad at mga bagay na hindi nakikita.
[2] Maligno: (Jinn sa salitang Arabic) ang salitang Jinn ay nagmula sa salitang pandiwa na Janna, Yajunn na ang ibig sabihin ay takpan, nakatago. Sila ay nilikha ni Allah (SWT) mula sa apoy na walang usok, kabilang dito si Satanas. May iba’t ibang uri ng Jinn; ang Ifreet, Shaytan, Qareen, demons, devils, espiritu, at sila ang sanhi kung bakit ang tao ay naliligaw ng landas sa pagsamba sa kaisahan ng Diyos. At ang bawat tao ay may nakatalagang Qareen, ang Qareen na mabuti at Qareen na masama.

No comments:
Post a Comment